Linggo, Enero 3, 2010

Polyeto

TUTULAN ANG REBOKASYON NG PROKLAMASYON 704!
IPAGTANGGOL ANG ATING KARAPATAN SA PANINIRAHAN!

Mga kaibigan, kasama, kapatid sa Lupang Arenda,

Tumira tayo dito sa Lupang Arenda sa bisa ng Proklamasyon 704 na nilagdaan ni dating Pangulong Ramos noong Nobyembre 28, 1995 bilang bahagi ng programang pabahay para sa mahihirap. Ito ang pinanghahawakan natin sa ating kasiguraduhan sa paninirahan dito sa Lupang Arenda. Ngunit ito’y pinangangambahang mawala nang inatas ni Pangulong Arroyo sa HUDCC na gumawa ng draft na nagpapawalang-bisa sa Proclamation 704. Ito’y naganap sa pulong ng mga myembro ng gabinete, kasama si PGMA, sa Loboc, Bohol, noong Nobyembre 16, 2009.

Dahil dito, sumulat agad ang HUDCC sa pamamagitan ni Usec. Lucille P. Ortile kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Lito Atienza na magsagawa ng kinakailangang ebalwasyon at maghanda ng investigative report para sa mungkahing rebokasyon ng Proclamation 704. Nobyembre 22, 2009, ipinalabas sa telebisyon na umano’y baha pa dulot ng bagyong Ondoy ngunit ang pinakita ay ang Purok 8 na bahagi ng Lawa ng Laguna na hindi naman bahagi ng PP704. Subalit ang lugar na hindi sakop ng Proklamasyon 704 ang ginawang basehan ng DENR-CALABARZON upang irekomenda sa pangulo ang pagpapawalang bisa sa nabanggit na Proklamasyon gamit ang mga maling ulat ng Media na ang tinutukoy sa kanilang ulat sa telebisyon ay hindi naman bahagi o sakop ng Proklamasyon 704.

Naniniwala kaming ang rekomendasyon para i-revoke ang proklamasyong ito ay batay sa maling impormasyong nakuha nila at kawalang pagpapahalaga sa sitwasyon sa Lupang Arenda. Pagkat ang lugar na sinasabing binabaha na ginawang batayan ng pag-revoke sa PP704 ay labas sa nasabing proklamasyon at hindi naman naglalarawan sa kabuuang sitwasyon ng mga pamilyang sakop ng 704.

Hindi dapat isisi ang naganap na pagbaha noong panahon ni Ondoy sa mga maralita, kundi sa kapabayaan ng mga ahensyang nakatalaga sa pagpapatupad sa Metro Manila Flood Control Project, na batay sa Memorandum of Agreement ng 2003 na nilagdaan at pinasok ng iba’t ibang pambansang ahensya, kasama na ang DENR at Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Mga kababayan sa Lupang Arenda, halina’t tutulan natin ang planong rebokasyon ng Proclamation 704 dahil mali ang kanilang mga batayan. Maling-mali ang rekomendasyon ng DENR kay PGMA, pagkat pawang mga di sakop ng proklamasyon ang itinuturong na-wash out daw, gayong alam ng mga tagarito sa Lupang Arenda na wala namang na-washout na establismyento at mga kabahayang sakop ng proklamasyon.

Kung hindi tayo kikilos at magkakaisa, mabubulabog ang ating tahimik na pamumuhay. Kung tutunganga lang tayo, mawawalan tayo ng tahanan ng walang kalaban-laban. Dapat nating ipaglaban ang ating karapatan sa katiyakan sa paninirahan.

Halina’t magkaisa tayo at magsama-sama upang ipaglaban ang ating kinabukasan at karapatan ng ating pamilya. Magsabit tayo ng mga streamer sa ating mga bahay na nagsasaad na tinututulan natin ang rebokasyon ng Proklamasyon 704. Lumagda tayo sa signature campaign na pinangungunahan ng ating pederasyon, ang AUPFI, bilang patunay ng ating pagtutol sa rebokasyon ng Proklamasyon 704. Magmasid tayo’t laging makipag-ugnayan sa ating mga lider. Alamin nating mabuti ang isyung ito.

Napamahal na sa atin ang Lupang Arenda na siyang naging tahanan natin, kinalakihan ng ating mga anak, at nakasanayan nating tirahan. Huwag na nating hintayin pa na pati sarili nating mga anak ay mapariwara at matigil sa pag-aaral. Hindi pa huli ang lahat.

Sabay-sabay nating ipanawagan kay Pangulong Arroyo na huwag lagdaan ang panukalang rebokasyon ng Proklamasyon 704, at magsagawa muna ng konsultasyon sa mga lider at apektadong residente dito sa Lupang Arenda.


Arenda Urban Poor Federation, Inc (AUPFI)
Enero 3, 2010

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento