Linggo, Enero 3, 2010

press release - tagalog



ARENDA URBAN POOR FEDERATION INC. (AUPFI)
Lupang Arenda, Bgy Sta. Ana, Taytay, Rizal


PRESS RELEASE
Enero 5, 2010


MGA TAGA-LUPANG ARENDA NAGTUNGO SA MALACAÑANG PARA TUTULAN ANG REBOKASYON NG PROCLAMATION 704



Libu-libong residente ng Lupang Arenda ang tumungo sa Malacañang kaninang umaga upang ipakita ang kanilang malawakang pagtutol sa panukala ng Malacañang na ipawalang-bisa ang Proklamasyon 704. Ang nasabing proklamasyon ay inisyu ni dating Pangulong Fidel Ramos noong Nobyembre 28, 1995 at nagbukas ng may 80 ektaryang lupain para gawing pabahay ng mga maralita na nasa Ilog Pasig at mga mahihirap mula sa Taytay, Rizal. Ngunit sa ngayon, inihahanda na ni Pangulong Arroyo na ipawalang-bisa ang proklamasyong ito batay sa mga maling ulat ng DENR kung saan tinukoy nito na ang pagbaha ay pumapatungkol sa buong Lupang Arenda gayong ang Purok 8 na labas sa nasabing proklamasyon ang siyang iniuulat sa mga radio at telebisyon. Hindi ito ang buong Lupang Arenda.

Ayon kay Recto M. Bagay, pangulo ng Arenda Urban Poor Federation, Inc. (AUPFI), walang na-washed out na mga bahay at establisimyento sa mga lugar na sakop ng proklamasyon noong kasagsagan ng bagyong Ondoy. Hindi dapat isisi ang naganap na pagbaha noong panahon ni Ondoy sa mga maralita, kundi sa kapabayaan ng mga ahensyang nakatalaga sa pagpapatupad sa Metro Manila Flood Control Project, na batay sa Memorandum of Agreement ng 2003 na nilagdaan at pinasok ng iba’t ibang pambansang ahensya, kasama na ang DENR at Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Nananawagan sila kay Pangulong Gloria Arroyo na huwag lagdaan ang rebokasyon at magsagawa muna ng reebalwasyon at konsultasyon sa mga residenteng sakop ng proklamasyon.

Ayon pa sa kanila, magpapatuloy ang kanilang mga pagkilos laban sa panukalang rebokasyon ng Proklamasyon 704 hanggang sa magkaroon ng nararapat na konsultasyon sa mismong mga residenteng sakop ng proklamasyon, may maayos na negosasyon, at makamit ang isang pangmatagalang solusyon sa kanilang kasiguraduhan sa paninirahan.


Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring makipag-ugnayan kay Vicente “Teng” Barlos, vice-president-external ng AUPFI sa 09215666586, o bisitahin ang website ng AUPFI sa http://aupfi.blogspot.com

1 komento: